Tatlong lalaki ang nahuli-cam na pumara ng isang pampasaherong jeepney sa Tondo, Maynila. Pero hindi pala ang pagsakay ang plano nila kung hindi ang mangholdap ng mga pasahero.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa video ang dalawang salarin na parang mga karaniwang pasahero lang na nag-aabang ng masasakyan sa Balut, Tondo.
Nang tumigil ang isang pampasaherong jeep, sumakay ang dalawa at sumunod ang isa pa. Pero hindi pa umaarangkada ang jeep ay nagkagulo na ang mga pasahero ng sasakyan dahil nangholdap na pala ang mga salarin.
Kaniya-kaniyang pulasan ang mga pasahero na makalabas ng jeep at may mga biktima na nakipag-agawan pa ng gamit sa mga salarin na nagawang makatakas.
Nadakip naman ng pulisya kinalaunan ang isa sa mga salarin habang patuloy pang pinaghahanap ang mga kasabwat niya.
Sa Tondo pa rin, hinoldap naman ng isang lalaking naka-helmet ang isang magkakaanak na nasa isang kainan.
Armado ng baril, isa-isang kinuha ng holdaper ang pera at cellphone
ng mga biktima bago tuluyang umalis.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente para matukoy ang salarin.--FRJ, GMA News
