Sa programang "Mars Pa More," ibinahagi ng batang street educator na si Sherwin Dacanaya at thoracic scoliosis patient na si Noemi Laboc ang kanilang mga natatanging kuwento bilang recipients ng "Mars Pa More" Christmas bazaar.
Panoorin ang mga nakaaantig nilang kuwento.
Ikinuwento ng 14-anyos na si Sherwin na bilang isang street educator, tinuturuan niya ang mga kapwa niya kabataan na hindi rin nakapag-aral.
Ayon kay Sherwin, na nakararanas din ng kahirapan sa buhay, na pangarap niyang maging pulis dahil gusto niyang mapaiwas ang mga bata sa droga.
Si Noemi naman, na-diagnose na ng scoliosis noong bata pa lamang, hanggang sa maging thoracic scoliosis na ito dahil hindi siya nakapupunta sa mga follow-ups.
Nakadagdag pa sa kaniyang pasakit ang mga natanggap niyang panglalait sa ibang tao, pero nariyan ang kaniyang mga magulang para patatagin siya.
Sa kabila ng kondisyon, nagtrabaho si Noemi para matulungan ang kaniyang ina, at para na rin makapag-ipon ng kaniyang pangmedikal.
Kung hindi siya maooperahan, posibleng hindi na makalalakad si Noemi, o maapektuhan ang kaniyang baga.
Pangarap ni Noemi na makapasok sa isang nursing school.
Natulungan sina Sherwin at Noemi sa pamamagitan ng mga nalikom sa isinagawang Mars Pa More Christmas bazaar kamakailan. — Jamil Santos/BM, GMA News
