Dead on the spot ang limang magkakaanak sa bayan ng Pitogo, Quezon makaraang mabagsakan ng nabuwal na higanteng puno ng Buli ang kanilang bahay dakong 6:00 ng umaga nitong Linggo sa kasagsagan ng bagyong Ramil.

Napag-alamang nasawi sa insidente ang isang lolo na edad 66, mag asawang parehong nasa edad 35 at anak na 11-taong gulang at isang sanggol na nasa limang buwan pa lamang. Lahat ay pawang residente ng Barangay Saguinsinan sa Pitogo.

Tanging ang panganay na anak na lalaki ang nakaligtas dahil nasa pintuan siya ng bahay nang bumagsak ang puno. Pinilit pa raw niyang hilahin ang kaniyang mga magulang, lolo at mga kapatid subalit hindi niya kinaya sa laki ng puno.

Nang makalabas siya ng bahay, kaagad siyang humingi ng tulong sa mga kabarangay na may kalayuan sa kanilang bahay.

Doon palang dumating ang mga rescuer mula sa barangay at sa bayan ng Pitogo. Wala nang nagawa ang mga rescuer. Nagtamo ang mga biktima ng matinding pinsala sa ulo at ibang bahagi ng katawan.

Kuwento pa ng nakaligtas na anak, matagal na raw sinusubukang patayin ang puno ng buli. Sinusunog raw ito ng dating nakatira sa kanilang bahay. Sinubukan rin daw itong sunugin ng kaniyang ama upang pabagsakin na para hindi makadisgrasya kapag may bagyo.

Subalit hindi nila ito nagawa hanggang sa nangyari na ang kanilang pinapangambahan.

Ayon sa hepe ng Pitogo Municipal Police Station, dahil sa malakas na hangin kaya naputol ang puno ng  Buli. Posibleng manipis na rin ang ibabang bahagi nito dahil sa pagsunog at tangkang pagpatay sa puno.

Sa kasalukuyan ay nasa punerarya na ang mga nasawi. Sasagutin raw ng tanggapan ni Congressman Reynan Arrogancia ang pagpapalibing sa mga nasawi, at tutulungan umano ng kaniyang tanggapan ang nag-iisang nakaligtas.  — Peewee Baculo/FRJ GMA Integrated news