Pinagpapaliwanag ng Commission on Higher Education (CHED) ang Pamantasan ng Cabuyao sa Laguna kaugnay sa ipinalabas nitong English Only policy, o wikang Ingles lamang ang gagamiting paraan ng komunikasyon sa loob ng unibersidad.

Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni CHED chairperson Prospero "Popoy" de Vera" III, na kinausap niya ang presidente ng unibersidad para malaman ang basehan at intensyon ng inilabas nitong patakaran sa paaralan.

“I advised him to immediately issue a press release to explain and clarify the issue and to respond to media interviews. It is best that the media interview him so he can explain the proposed policy,” ani de Vera.

Sa tinanggal na Facebook post, nakasaad sa anunsyo na ipatutupad simula sa Pebrero 3, 2025 ang English Only Policy, "in line with its vision of developing globally competitive and world-class students.”

Ayon pa sa anunsiyo, lahat ng transaksiyon at ugnayan ng mga opisyal, mag-aaral, kawani, at manggagawa ay dapat sa paraan lang ng wikang Ingles.

Umani ng mga puna sa netizens at ilang grupo ang naturang patakaran ng unibersidad.

Ayon kay Gabriela Youth UP Diliman spokesperson Francheska Reyes, hindi malulutas ng naturang patakaran sa pagsasalita lang ng Ingles ang mga problema sa edukasyon ng bansa.

Giit nito, ang dapat gawin ay itaas ang alokasyon sa pondo ng edukasyon.

“Nakakabahala ito. Isang indikasyon kung gaano na kalala ang pagyakap sa utos ng dayuhan at mga neoliberal na polisiya. Hindi kami pabrika ng murang lakas-paggawa para sa pandaigdigang merkado,” ani Reyes.

“Turuan ninyo kaming maging kritikal mag-isip at hindi parang robot na mahusay mag-Ingles. Sapat na badyet sa edukasyon ang solusyon at hindi dayuhang wikang pangkomunikasyon,” dagdag niya.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng pamunuan ng pamantasan tungkol sa naturang usapin.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News