Puno ng kulay at tradisyon ang isang mall sa Quezon City nitong Linggo ng hapon para sa kauna-unahang Children’s Flores de Mayo—isang makabagong pagtalima sa mahalagang kaugaliang panrelihiyon ng mga Pilipino.

Mahigit 50 batang kalahok mula sa Sta. Rita Parish, St. Michael the Archangel Chapel, at Mary, Mother of Hope Chapel ang nagprusisyon mula sa isang chapel sa loob ng mall patungo sa isa pa.

Ilan sa mga batang kalahok ay nakasuot bilang mga anghel, habang ang mga batang babae edad pito pataas ay nagsuot ng magagara at makukulay na saya at may sash na kumakatawan sa iba’t ibang titulo ni Birheng Maria.

 

Ayon sa organizer ng Flores de Mayo, mga bata ang napili nilang lumahok para mas maraming pamilya ang mahikayat at maging aktibo sa mga aktibidad sa simbahan. 

“Nag-research kami kung ano talaga ang Flores de Mayo. Marami kasing nalilito sa pagitan ng Flores de Mayo at Santacruzan. Ang Santacruzan ay tungkol sa paghahanap sa Banal na Krus, habang ang Flores de Mayo ay floral offering kay Mama Mary,” sinabi ni Maricar Urgino, head ng Family and Life Ministry ng Sta. Rita Parish.

Dagdag ni Urgino, “The mall kasi is where the people are. We see all the families here, maganda to introduce to them activities like this para they become more active with the parish and also to bring the young ones kasi kung hindi nasa gadgets lang yan the whole time.”

 

 

Para kay Urgino, bukod sa pagpapalaganap ng pananampalataya, mahalaga rin ang karanasang ito sa pagbuo ng makabuluhang alaala para sa mga bata.

Masaya at excited nga raw ang ilang mga bata na nakausap namin na kalahok sa Flores de Mayo.

 “I feel very excited because I’m representing Reina del Cielo means the Queen of Heaven.  I pray that my family is safe and healthy all the time,” kwento ni Rafee Kasilag.

Para kay Charlotte Cucueco naman, “I joined Flores de Mayo to honor Mama Mary.” — BM, GMA Integrated News