Si Police Major General Nicolas Torre III ang papalit umano kay Police General Rommel Marbil bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ito ang inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Huwebes, isang linggo bago bumaba sa puwesto si Marbil sa June 7.

Dapat noong Pebrero nagretiro si Marbil nang sumapit ang kaniyang compulsory retirement age na 56. 

Pero pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng apat na buwan ang kaniyang termino dahil sa paghahanda sa nakaraang eleksyon.

Noog nakaraang Lunes, inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na may napili na si Marcos na magiging PNP Chief pero tumanggi siyang pangalanan ito.

“Meron na siyang napili. Excellent, very qualified, very dynamic, good track record,” ayon kay Remulla sa ambush interview.

Nitong nakaraang Martes, kinumpirma ni Marcos na may napili siyang papalit kay Marbil pero hindi pa niya inihayag ang pangalan nito dahil kailangan pa umano niyang kausapin.

"Whoever it is should hear about it first from me, not through the news," ani Marcos said.

Si Torre ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na namuno sa paghahanap at pagdakip kay Pastor Apollo Quiboloy sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City noong September 2024.

Si Torre rin ang nanguna sa pagsisilbi ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na idinaan sa INTERPOL Manila noong nakaraang Marso.
-- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News