Hindi bababa sa 12 sasakyan ang ninakawan ng plaka sa isang bakanteng lote sa Tondo, Maynila.

Narekober ng mga awtoridad mula sa isang junk shop sa Tondo, Maynila ang mga ninakaw na plaka na ibinenta sa halagang P8,000.

Ang mga salarin, dalawang binatilyo na edad 15 at 16.

Ayon sa pulisya, naganap ang krimen pasado alas-dos ng madaling araw ng Lunes kung kailan malakas ang ulan noong mga oras na iyon.

“So sinamantala nila 'yung kalakasan ng ulan para hindi na sila masyadong makita kasi madilim din sa area kung saan 'yung parking,” ani Police Major Hanz Jose, officer in charge ng Abad Santos Police Station, Manila Police District-7.

“Nakaka-alarma po 'yung nangyari na 'yun dahil marami pong nagreport dito na mga may-ari po ng sasakyan,” dagdag niya.

Agad nagkasa ng follow-up operation ang Manila Police District kaya agad nakilala ang mga menor de edad.

Napag-alaman na marami nang record sa barangay ang dalawa dahil sa serye ng pagnanakaw.

“Actually, noong mga nakaraang linggo ay nasangkot na naman 'tong dalawang minors na 'to ng pagnanakaw ng isang baterya ng sasakyan at hindi lang tinuluyan ng may-ari ng sasakyan dahil po naawa po siya sa mga bata,” ayon kay Jose.

Hinuli ng pulisya ang may-ari ng junk shop dahil sa paglabag sa Anti-Fencing Law.

Wala namang indikasyon na posibleng gamitin ang mga plaka para makaiwas sa No Contact Apprehension Policy o NCAP dahil nakatupi na raw ang mga ito nang ibenta sa junk shop.

Hindi bababa sa 12 sasakyan ang nanakawan ng plaka.

Bagamat nabawi ang mga plaka, hindi na ito mapapakinabangan ng mga may-ari ng sasakyan dahil bukod sa sira na ang mga ito, gagamitin din itong ebidensiya sa kaso.

Nasa kustodiya na ng Tayuman Police Community Precinct ang may-ari ng junk shop na sinusubukan pa namin makuhanan ng pahayag.

Habang nasa Women's Section naman ng Abad Santos Police Station ang dalawang binatilyo.

Hinihintay pa ang resulta ng kanilang dental aging test para masiguro na menor de edad ang dalawa.

“Sa panahon po ngayon kung hindi po nagagabayan ang mga anak ng kanilang mga magulang ay malaki po ang posibilidad na masangkot po sila sa krimen o insidente at their early age,” ayon kay Jose. — BAP, GMA Integrated News