Patay ang isang 16-anyos na binatilyo matapos siyang mabaril sa gitna ng habulan ng mga hindi pa matukoy na salarin at ng kanilang target sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pag-iiyakan ng mga kaanak ng biktima matapos siyang humandusay sa isang eskinita.
Kuwento ng pamilya ng biktima at ng barangay, dumating ang apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo, bago may hinanap na tao at bigla nila itong pinaputukan.
Pagtakbo ng target, napunta sa kaniyang direksyon ang binatilyo, kaya ito ang nasapul.
Sa ospital pumanaw ang biktima.
Nadakip ng pulisya ang totoong target na hinahabol ng mga suspek at nakuhanan din siya ng armas.
Sinabi ng barangay na sangkot umano ang target sa ilegal na droga.
Patuloy ang pag-iimbestiga sa krimen, at ang pagtugis sa apat na suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
