Patay na nang matagpuan sa isang ilog sa Cagayan de Oro City ang isang 15-anyos na lalaki na ilang araw nang nawawala. Ang pamilya ng binatilyo, naghihinala na baka may foul play sa pagkamatay nito.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing hindi na nakauwi ng bahay nitong Miyerkules ang biktima, hanggang sa makita ang kaniyang labi na lumulutang sa ilog kaninang umaga.

Ayon sa pamilya ng binatilyo, tinawagan pa ng biktima ang ina nito noong hapon ng Miyerkules at sinabing naghihintay siya ng masasakyang motorsiklo pauwi. Pero hindi na siya nakauwi ng bahay.

Bukod sa cellphone ng bata, hindi rin nakita sa lugar ang iba pang gamit ng binatilyo gaya ng bag at pitaka.

Sinabi naman ng Philippine Coast Guard na nakatanggap sila ng report noong gabi ng Miyerkoles na may posibleng nahulog sa ilog kaya nagsagawa sila ng search and retrieval operations.

Ang Macasandig Bantay Dagat ang nakakita sa katawan ng biktima kaninang umaga.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) sa nangyari sa binatilyo. – FRJ GMA Integrated News