Mahalaga para maiwasan ang pag apoy o pagsabog ng power bank ang tamang pangangalaga at paggamit nito.

Ang power bank, karaniwan nang pangangailangan sa pagcha-charge ng mga gadgets lalo na ng mga bumabyahe.

Pero paalala ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), limitado lang ang capacity ng mga power bank na pinapayagang ipasok sa loob ng eroplano.

Ang mga portable electronic devices tulad ng power bank na may 100 watt-hour capacity, pwedeng dalhin sa loob ng aircraft pero may lugar kung saan lang ito pwedeng ilagay.

Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, “sa bag na nasa ilalim ng upuan, sa tabi o, doon sa pouch sa harap, pwede pero binibilin na 'yan while on board pag magstart ang flight sinasabi na ng FA (Flight Attendant) hindi pwedeng gamitin.”

Ipinagpapaalam naman sa airline ang mga above 100 watt-hour hanggang 160 watt-hour, habang hindi naman pinapayagan sa loob ng eroplano ang nasa mahigit 160 watt-hour.

“Sana gumamit ang mga pasahero ng tamang sukat nung power bank, ikalawa yung quality ng power bank very important yan kasi kahit below 10,000 yan tapos eh may short circuit may sira ang kable eh that’s very dangerous.” ani Apolonio.

Paano nga ba nagkakaroon ng risk ng pag-apoy o pagsabog ang isang power bank kapag nasa eroplano?

Ayon sa chief ng product testing division ng DTI Bureau of Philippine Standards na si Engr. Jay V. Illescas, “kunwari yung mataas ang lipad mo biglang nagkaroon ng turbulence, bumagsak, magkakaroon ng change in pressure, yung g-shock na sinasabi, yung g-shock pwedeng mag-cause ng damage doon sa chemical doon sa baterya mismo na pwedeng mag cause ng fire, and explosion eventually.”

Pinag-aaralan pa aniya ng ahensya na iregulate ang mga power banks sa bansa para matiyak ang kaligtasan ng mga consumers.

Pero habang hindi pa ito naipatutupad, hangga’t maaari, bumili raw sana sa mga reputable sellers na nakakuha ng certification mark sa pinanggalingang bansa.

At para maiwasan ang pinsala sa power bank na maaaring magdulot ng pagsabog at pag-apoy nito, payo ng DTI:

  • huwag itong i-over charge
  • huwag hayaang maexpose sa sobrang init na temperatura
  • iwasan itong mabagsak
  • maipit at mabasa ang loob
  • at pakiramdaman ito kung mag-iinit nang sobra habang nagcha-charge

Kung ilalagay naman sa bag ang inyong power bank, mas mainam na may lalagyan ito para maiwasan ang pagpasok ng anumang bagay tulad ng metal sa mga ports nito, na maaaring magdulot ng short circuit.

Kung madali nang madischarge o kaya’y lumobo na ang baterya, mga indikasyon na raw ito na dapat nang palitan ang inyong power bank.

Kung idi-dispose o itatapon na ang power bank, huwag din daw ito ihalo sa mga regular na basura.

“Pag battery kasi lalo na yung Lithium Ion may hazardous chemicals yan sa loob, maganda doon sa proper disposal, mas maganda tayo magtanong na lang sa LGU (Local Government Unit) natin kung saan meron…” ani Illescas. — BAP, GMA Integrated News