Isang lalaki ang nagtamo ng mga sugat matapos siyang habulin at barilin ng riding-in-tandem sa Malate, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang CCTV video ng pagdating ng riding-in-tandem na mistulang magpaparada lang sa San Andres Street pasado 9 p.m. ng Biyernes.
Ilang saglit lang, naglabas na ng baril ang isa sa kanila, kaya napatakbo ang isang lalaking nakaitim.
Nabaril ang lalaki at tinamaan sa kaniyang kita kaya siya bumagsak.
Hindi na nahagip sa video, ngunit sinabi ng barangay na sinubukang agawin ng riding-in-tandem ang bag ng biktima.
Mabilis namang nakatayo at nakapagtago ang biktima habang tumatakas ang riding-in-tandem.
Bago ang pamamaril, nahagip ang mga salarin na napadaan sa lugar.
Ilang sandali pa, muli silang nahagip ng CCTV na nag-U-turn sa kalsada samantalang naglalakad ang biktima papunta sa lalaki na may angkas na bata, na kaniyang ka-meet-up.
“Nabanggit nu’ng isang kamag-anak na talo sa sabong, tapos ‘yung kameet-up niya po is babayaran niya lang naman po,” sabi ng kagawad na si Emy Aguda.
Dinala ang biktima sa ospital ng lalaking kaniyang kameet-up.
Ayon sa barangay, hindi pa malinaw ang ugat ng krimen dahil walang record sa kanila ang biktima, na nagtatrabaho bilang delivery rider.
Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation ng pulisya sa mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
