Itinanggi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Jay Ruiz na aalisin siya sa naturang posisyon at ililipat sa ibang opisina.
Sa panayam ng Palace reporters nitong Lunes, pinabulaanan ni Ruiz na aalisin siya bilang hepe ng PCO at ililipat sa Presidential Action Center.
Hangga’t wala umano siyang natatanggap na utos, mananatili siya sa PCO.
''I'm serving at the pleasure of the President,'' ani Ruiz. ''Whatever happens, I will be forever grateful for the opportunity.'
Hindi rin umano alam ni Ruiz kung saan nanggagaling ang mga balitang palilitan siya sa puwesto.
Kamakailan lang, muling itinalaga ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. bilang acting secretary ng PCO si Ruiz matapos na hindi siya makalusot sa Commission on Appointments (CA).
Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng usap-usapan na isang dating journalist na communications director ngayon ng isang malaking kompanya ang inalok na pamunuan ang PCO. Pero hindi pa umano ito nagpapahayag kung tatanggapin ang naturang posisyon.
Si Ruiz ang ika-apat na PCO chief sa mahigit tatlong taon ng administrasyong Marcos.
Unang naging PCO head si Atty. Trixie Cruz-Angeles, na tumagal lang ng ilang buwan, bago pinalitan ni Atty. Cheloy Garafil.
Noong September 2024, nagbitiw si Garafil at pumalit sa kaniya si Cesar Chavez, na nagbitiw naman kinalaunan nitong nakaraang Pebrero 2025. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

