Pinagtibay ng Commission on Elections En Banc ngayong Lunes ang resolusyon na nagdedeklara na si Bienvenido “Benny” Abante ang nanalong kongresista sa 6th District ng Manila sa nagdaang May 2025 midterm polls. Ang nakatunggali niyang si Joey Uy na diniskuwalipika, dudulog sa Korte Suprema.

Sa 12-pahinang desisyon na may petsang June 30, ibinasura ng Comelec En Banc ang motion for reconsideration na inihain ng katunggali ni Abante na si Luis "Joey" Chua Uy.

Una rito, idineklara ng ikalawang debisyon ng Comelec na walang bisa ang certificate of candidacy ni Uy dahil sa usapin ng kaniyang citizenship.

Dahil dito, binalewala ng Comelec ang mga boto na nakuha ni Uy kahit pa lumabas sa bilangan na mas marami ang boto na nakuha niya kumpara kay Abante na pumangalawa sa kaniya.

“The proclamation of Respondent LUIS ‘JOEY’ CHUA UY is hereby ANNULLED,” ayon sa desisyon ng Comelec En Banc.

“Petitioner BIENVENIDO ‘BENNY’ MIRANDO ABANTE, JR., the only qualified candidate who garnered the highest number of votes is hereby declared as the duly elected Member of the House of Representatives for the Sixth (6th) District of the City of Manila,” dagdag nito.

Si Abante ang naghain ng petisyon sa Comelec na kumukuwestiyon sa Filipino citizenship ni Uy, dahil hindi umano mga Pinoy ang mga magulang nito.

Sa desisyon ng 2nd division ng Comelec, sinabing naturalized Filipino citizen at hindi natural-born Filipino citizen si Uy na kailangan sa isang kandidato.

“Hence, he is not qualified to run for or hold the position of Member of the House of Representatives. His proclamation as the winning candidate for district representative of the 6th District of the City of Manila was, thus, made in violation of the Constitution,” ayon sa pasya ng Comelec En Banc, bilang pagsang-ayon sa desisyon ng debisyon.

Samantala, dahil sa desisyon kamakailan ng Korte Suprema na hindi puwedeng ideklarang panalo ang pumangalawang kandidato sa nadiskuwalipikang kandidato na naunang nanalo, sinabi sa Super Radyo dzBB ni Comelec chairperson George Garcia, na kailangang malinawan.

Ayon kay Garcia, makikipagpulong siya ngayon hapon sa mga opisyal ng Office of the Solicitor General upang humingi ng gabay alinsunod sa desisyon ng SC.

“’Yun po ‘yung dahilan kung bakit mamayang hapon, may pagpupulong po tayo sa Solicitor General upang pag-usapan na namin ‘yung tungkol sa issue ng second placer na kung saan ‘yung Comelec ay magpapa-request ng clarification sa ating Kataastaasang Hukuman,” sabi ni Garcia.

“Hindi man ito ‘yung pagpapa-reverse nung kanilang desisyon, kung hindi ipapa-clarify lang po sana namin,” paglilinaw niya.

Samantala, hihingi naman sa SC ng temporary restraining order (TRO) si Uy upang hindi makaupo si Abante bilang kinatawan ng 6th district ng Manila sa Kamara de Representantes.

Sa petisyon ni Uy, hiniling niya sa SC na magpalabas ng writ of preliminary injunction at status quo ante order kaugnay sa pinaglalabanan posisyon.

Pinapasagot sa petisyon ang Comelec at si Abante.-- mula sa ulat nina Joviland Rita/Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News