Nabulaga ang isang umuwing overseas Filipino worker (OFW) nang arestuhin siya sa Iloilo International Airport sa Cabatuan, Iloilo dahil sa arrest warrant laban sa kaniya sa kasong estafa.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing galing sa Singapore ang dumating na OFW na 42-anyos, at residente ng Dumalag, Capiz.
Ayon sa awtoridad, pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang OFW nang may lumabas na “alarma” laban sa kaniya para sa kasong estafa.
Nang magberipika ang mga awtoridad, lumitaw na may aktibong arrest warrant laban sa OFW sa kasong estafa kaya inaresto siya at dinala sa Cabatuan Municipal Police Station upang iproseso.
Matapos nito, inilipat ang kustodiya ng OFW sa korte sa Mambusao, Capiz na naglabas ng naturang warrant.
Napag-alaman na nakalaya rin ang OFW makaraang maglagak ng piyansa.
Ayon sa airport police, sinabi ng OFW na hindi nito alam na may kinakaharap siyang kaso.
“Since 2015 nagpa-Singapore siya. Umuwi lang siya (July 11, 2025) considering na ang ama niya critical daw ang sitwasyon. So not knowing na meron siyang kaso,” ayon kay Police Lieutenant Frank Eduard Tamon, station duty officer sa Iloilo Airport Police Station.—FRJ, GMA Integrated News
