Sinabi ni Police General Nicolas Torre III na nakahanda ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila para doon hintayin si acting Davao City Mayor Baste Duterte para sa kanilang “bakbakan” for charity.

Inihayag ito ni Torre nitong Huwebes habang nag-e-ensayo ng boksing nitong Huwebes.

“Kung ready sila sa venue, I can show up. Pero naka-set na actually ang Rizal Memorial Coliseum. A ring has already been set up there para sa Sunday,” ayon kay Torre.

Tugon ito ni Torre sa pahayag ni Senador Ping Lacson sa social media na may isang executive ng isang resort casino hotel na handa umanong magkalaoob ng lugar sa “sagupaan” nina Torre at Duterte.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang reaksyon ni Duterte tungkol dito.

Sinabi rin ni Torre na may mga "sponsor" na para sa naturang bakbakan na handang mag-donate para sa mga naapektuhan ng kalamidad.

“Whether he shows up or not, may mga sponsors na may nagsabi na magdo-donate na lang ng mga ayuda sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo at baha,” ayon sa PNP chief.

“Kung wala naman siya ay magdi-distribute na lang kami ng ayuda,” dagdag nito.

Nitong nakaraang Linggo, ginawa ni Duterte ang hamon kay Torre na suntukan sa isang vlog na naka-upload sa Youtube.

“Kasi matapang ka lang naman you have the position. Pero kung suntukan tayo alam kong makaya kita. But then you're a coward,” ani Duterte.

Kaagad namang tinanggap ni Torre ang naturang hamon.

Si Torre ang nanguna sa pag-aresto at pagdala sa The Netherlands sa ama ni Baste na si dating pangulong Rodrigo Duterte, matapos isilbi ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasong crimes against humanity dahil sa mga namatay sa drug war ng dating lider. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News