Nasawi ang magbayaw nang mauwi sa pananaga ang inuman nila sa suspek na armado ng dalawang itak sa Naawan, Misamis Oriental.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nakita ng mga kapitbahay na patay na ang magbayaw na may edad 67 at 52 sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Linangkayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kainuman ng mga biktima ang 48-anyos na suspek nang magkaroon ang mga ito ng mainit na pagtatalo na humatong sa pananaga.
Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson Police Major Joann Navarro, isa sa mga biktima ang unang nakaaway ng suspek, at tumulong ang isa pang biktima kaya naunang nataga nila ang suspek.
Nakauwi naman ang suspek at nang bumalik, may bitbit na ito na dalawang itak at pinagtataga ang magbayaw.
Kaagad na nasawi ang magbayaw habang dinala naman ang suspek sa ospital.
Ayon kay Navarro, lumilitaw na walang dating alitan ang mga biktima at ang suspek, at hinihinalang dala lamang ng kalasingan ang pinagmulan ang kanilang away.
Ligtas na ang kalagayan ng suspek na mahaharap sa reklamong double murder. –FRJ GMA Integrated News
