Iniutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, gayundin ng tanggapan ni Senador Robin Padilla na imbestigahan ang umano’y paggamit ng marijuana ng isang tauhan ng huli sa loob ng gusali ng kapulungan.

Ayon kay Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr. inatasan niya ang Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na magsagawa ng imbestigasyon alinsunod sa utos ni Escudero. Base ito sa lumabas na ulat na isang empleyado umano ni Padilla ang pinaghihinalaan na nag-marijuana sa isang opisina.

Sinabi ni Bantug na nagsumite na ang OSAA ng kanilang ulat ngayong Huwebes tungkol sa insidente, at binigyan ng kopya tanggapan ni Padilla.

“As instructed by Senate President Escudero, we have provided a copy of this report to the Office of Senator Robinhood C. Padilla for their information and appropriate action,” saad ng Senate secretary sa isang pahayag. 

Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Atty. Rudolf Philip Jurado, chief of staff ni Padilla, na nagsasagawa rin sila ng kanilang sariling imbestigasyon.

Ayon kay Jurado, inatasan na nila ang sinasabing tauhan nila na magsumite ng paliwanag.

“Immediately, we required the subject employee to submit her comment and/or explanation within five days with regards to that incident report,” saad ni Jurado sa panayam naman ng GMA News Online. 

Idinagdag niya na ikinagulat ni Padilla nang malaman nito ang ulat at nag-utos na magsagawa ng imbestigasyon para alamin kung totoo o hindi ang insidente.

“In fact, nung lumabas ‘yan kahapon immediately, nag-conduct kami ng investigation, internal lang sa’min. Kasi siyempre sabi ni Senator, ‘Ano ‘to? Tayo ba to? Tayo ba ang nire-refer dito?’” ani Jurado patungkol sa ulat na isang blind item. 

Itinanggi naman ni Jurado na ipinatawag siya ng OSAA, at nilinaw na sadya siyang nagtungo sa naturang tanggapan noong Miyerkoles para humingi ng impormasyon tungkol sa insidente.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News