Sa biglang pagsibak kay General Nicolas Torre III bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP) ngayong Martes, itinalaga naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., bilang officer-in-charge (OIC) ng kapulisan.
Nagtapos si Nartatez mula sa Philippine Military Academy at bahagi ng Tanglaw-Diwa Class of 1992.
Bago maging OIC, hawak ni Nartatez ang posisyon ng Deputy Chief for Administration, na pangalawa sa pinakamataas na puwesto sa PNP.
Pero kamakailan lang, naglabas ng kautusan si Torre ng balasahan sa matataas na opisyal ng PNP.
Inilipat niya si Nartatez bilang commander ng Area Police Command (APC) Western Mindanao, kapalit si Police Lieutenant General Bernard Banac, na itinalaga naman sa puwesto ni Nartatez.
Ngunit pinalagan ang naturang kautusan ni Torre dahil hindi umano ipinaalam sa National Police Commission (NAPOLCOM), at Department of Interior and Local Government (DILG) ang balasahan na kasama dapat sa patakaran sa paglilipat ng mga matataas na opisyal ng pulisya.
Nitong nakaraang August 14, naglabas ng resolusyon ang NAPOLCOM na nag-uutos na ibalik sa kani-kanilang puwesto ang mga inilipat na opisyal, kasama sina Nartatez at Banac.
Kasunod nito, sinabi ni Torre na naayos na ang usapin ng PNP at NAPOLCOM, bagaman hindi na siya nagbigay ng detalye.
Sa pag-upo niya bilang OIC-PNP, sinabi ni Nartatez nitong Martes, na pagbubutihin niya ang patrolling at investigation efforts ng PNP. Ipagpapatuloy din niya ang five-minute response policy ni Torre.
“We must ensure or enhance our capabilities and secure protocols in managing public events and maintaining crowd control, ensuring the safety of all participants and the organizers as well,” ani Nartatez
“Lastly, we will rigorously implement integrity monitoring at all levels. To weed out rogues in service, integrity is the cornerstone of public service, essential in gaining the trust and confidence of the community,” dagdag niya
Nito lang nakaraang Hunyo itinalaga si Torre bilang ika-31 na PNP chief ng bansa. Sa Marso 2027 pa sasapit ang kaniyang retirement age.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, plano ng pangulo na bigyan ng ibang posisyon sa gobyerno si Torre pero wala siyang ibinigay na detalye. – mula sa ulat Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
