Naaresto sa Albay ang isa sa dalawang suspek na nangholdap sa 13 masahista sa isang apartment compound sa Pasay City, at ginahasa pa ang dalawa sa mga biktima. Itinanggi naman ng suspek ang paratang.

Sa ulat ni Nico Waje sa GTV News State of the Nation nitong Lunes, sinabing iniharap ng pulisya sa media ang naarestong suspek matapos nilang matunton sa Legaspi, Albay.

Biyernes ng madaling araw nang mahuli-cam ang dalawang suspek na bumaba sa kanilang motorsiklo at pumasok sa apartment compound kung saan tumutuloy ang mga biktima.

Ang nadakip na ang suspek ang angkas umano sa motorsiklo at huling pumasok sa compound sa Barangay 140.

Ang suspek at rider ng motorsiklo na si Alyas “Sherly,” ang gumahasa umano sa dalawang masahista.

Ayon sa pulisya, bago pa man ang pag-aresto, nakausap na ng mga awtoridad ang asawa ng suspek kaya nahikayat itong sumuko na.

Pero mariing itinatanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen. Nasa bahay umano siya nang mangyari ang krimen at umuwi sa Albay para sumali sa billiard tournament.

Gayunman, positibo siyang kinilala ng mga masahista nang muli siyang iharap sa mga ito sa police station.

Sinabing nag-alis umano ng helmet ang suspek at wala siyang takip sa mukha nang pumasok na sa apartment.

Patuloy na tinutugis ang kaniyang kasamang si Ashley, na kabisado umano ang compound dahil nakarelasyon nito ang isa sa mga nakatrabaho ng mga masahista.

Wala sa apartment ang nakarelasyon nito nang gawin ang krimen.—FRJ GMA Integrated News