Isang lalaki ang nasa kritikal na kondisyon matapos siyang barilin sa mukha ng nakaalitan niyang kapitbahay sa Iloilo City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, inilahad ng isang residente sa pulisya na nag-iinuman noon ang biktima, ang suspek at ang kapatid ng suspek nang may sitahing taxi driver ang biktima.

Tinangkang pumagitna ng kapatid ng suspek kaya siya ang napagbalingan ng galit ng biktima.

Umalis ang biktima pero nang bumalik ay may dala na umano itong patalim.

Nakita umano ng suspek ang dalang kutsilyo ng biktima kaya binaril niya ito.

Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek at kaniyang kapatid na agad tumakas.

Inihahanda na ang reklamong isasampa laban sa kanila.

Pinuntahan ng GMA Regional TV ang pamilya ng biktima ngunit walang nadatnang tao sa kanilang bahay.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News