Ikinagalit ng marami ang pagkasiwalat sa mga umano’y anomalya sa flood control projects na sinasabing sangkot ang ilang kontratista, mambabatas at mga opisyal sa Department Public Works and Highways (DPWH). Pero dahil tila maulit-ulit na lang ang mga usapin tungkol sa usapin ng korupsiyon sa pondo ng bayan, may saysay pa nga ba ang galit ng mga mamamayan?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” tinanong sina dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza at dating Finance Undersecretary Cielo Magno, tungkol sa naturang usapin ng paglulustay sa pera ng bayan.

“Well, may saysay ba? Sa akin, tingnan natin on the positive side. May saysay in the sense na nakita natin na maraming mga kababayan natin ang sumali sa discourse. Iba ‘yun,” sabi ni Mendoza.

Binigyan din ng halaga ni Mendoza ang pagsali ng mga kabataan sa paglalabas nila ng saloobin tungkol dito.

“Pangalawa, nakita mo ‘yung kabataan natin ngayon, ‘di ba? Sila ‘yung unang pumupronta sa paniningil. Pangatlo, luminya ang ibang branch. Meron nang mga lifestyle check. So sa tingin ko, ito ‘yung maganda. Sumasali at nagiging napakaaktibo ng mamamayan,” ayon sa dating COA chief, ang ahensiyang nakatutok kung papaano ginagastos ng mga ahensiya ang pondong ibinigay sa kanila.

Gayunman, may pangamba rin si Mendoza na baka mawalan na rin ng interes ng publiko sa isyu kinalaunan.

“Ang tanong, hanggang kailan masu-sustain ‘yung attention ng public? The moment mawala ‘yan, baka wala na rin ‘yung investigation. Iyon ‘yung takot ko,” sabi niya.

Si dating Finance Undersecretary Cielo Magno, inilahad na ilang mambabatas ang gumagawa ng “unprogrammed appropriation” sa budget. Dito inilalagay ang ilang pilot o flagship program ng administrasyon, gaya ng infrastructure projects.

“Kaya ko nga nasabing ito [2025 budget] ang pinaka-corrupt na budget, kasi hindi na talaga kapani-paniwala. Imagine ‘yung mga infrastructure na priority mo for development, tinanggalan mo ng pondo… PhilHealth, zero budget, tapos nag-insert ka ng AKAP, ‘yung pambigay mo ng ayuda, ‘yung flood control projects,” ani Magno.

Nang tanungin sa kaniyang saloobin kung bakit ito ginagawa ng ilang mambabatas, “Kasi greedy sila. ‘Yung pagiging gahaman ay walang hanggan,” sabi ni Magno.

Panoorin ang buong panayam ni Jessica kina Mendoza at Magno sa video ng "KMJS, at alamin ang kanilang sagot kung may pag-asa pa ba ang laban kontra sa katiwalian?  -- FRJ GMA Integrated News