Inihayag ng Bureau of Customs (BOC) nitong Martes na naseguro na nila ang kabuuang 31 sasakyan ng mga Discaya para sa imbestigasyon sa mga iregularidad umano sa pag-angkat ng luxury vehicles. 

Inilahad ni BOC deputy chief of staff Atty. Chris Noel Bendijo na nakatago ang mga sasakyan sa St. Gerrard property na pag-aari ng mga Discaya sa Pasig City.

“Ang kabuuang bilang po na kasalukuyang nasa kustodiya ng Customs, ang bilang po ay 29 plus two,” sabi ni Bendijo sa isang panayam sa Dobol B TV.

"Ipaliwanag ko lang ito, 29 ‘yung kabuuang dami ng mga high-end vehicles. At 'yung plus two, ito naman 'yung maliliit na all-terrain vehicles pero hindi naman po ito nire-rehistro sa [Land Transportation Office]. Ito lang po 'yung off-road na maliliit," dagdag niya.

Mula noong Setyembre 2, siniseguro ng BOC ang mga sasakyang pag-aari ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya sa bisa ng search warrant.

Nauna nang sinabi ng BOC na kulang sa mga dokumento tungkol sa mga binabayarang duties at buwis, at may kaduda-duda pang pagpasok sa bansa ang karamihan sa mga mamahaling sasakyan ng mga Discaya.

“Pinapa-validate po ng ating [Commissioner Ariel Nepomuceno],” sabi ni Bendijo.

"Yun din po 'yung pakiusap natin kung bakit medyo matagal ang proseso na ito. Mga [vehicle identification number], import entry, puro ito letra at saka numero. Kaya talagang iniisa-isa po natin para tiyak na tama ang ating magiging findings dito," dagdag niya.

Kung mapatunayan ang mga paglabag, sinabi ni Bendijo na maglalabas ng warrant of seizure at detention para sa mga sasakyan.

“Puwede na siyang i-subject sa ating mga remedies either condemnation, sisirain po siya, or pupuwede rin pong i-auction,” aniya.

Isinagawa ang search warrant sa mga sasakyan ng mga Discaya kasunod ng imbestigasyon sa umano'y maanomalyang flood control projects ng mag-asawa.

Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects dahil marami pa ring lugar sa bansa ang nalubog sa gitna ng malakas na pag-ulan nitong mga nakaraang buwan.

Ilang ahenisya ng gobyerno, pati ang Senado at Kamara de Representantes ang naglunsad ng kani-kanilang imbestigasyon.

Natuklasang ghost project ang ilang flood control project.

Itinanggi ng kampo ng mga Discaya ang mga alegasyon sa kanilang flood control projects gayundin sa kanilang mga mamahaling sasakyan. — VBL GMA Integrated News