Hindi nakadalo ang contractor na si Sarah Discaya sa imbestigasyon ng House Infrastructure Committee (InfraComm) nitong Martes tungkol sa umano'y mga maanomalyang flood control project dahil sa kaniyang kondisyong medikal.

Ayon sa kaniyang asawang si Pacifico "Curlee" Discaya, pinili ni Sarah na manatili sa bahay matapos makarnas ng palpitations at mababang antas ng insulin dahil sa stress.

"Ngayon po nagpa-palpitate ang puso niya at bumaba ang insulin niya dahil sa mga nangyayari. Siyempre po nag-aalala siya sa kaniyang buhay," sabi ni Curlee sa pagdinig.

“Inalagaan rin po niya ang apat naming anak dahil naghihirap ang anak namin,” dagdag niya.

Gayunman, walang natanggap na excuse letter ang House panel mula sa mag-asawang Discaya.

br />
Noong nakaraang Sabado, sinabi ng House InfraComm co-chairperson at Bicol Saro Party-list Representative na si Terry Ridon na tutuon sa mga importanteng detalye ng mga kumpanya ni Sarah Discaya na nakakuha ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kontrata ng gobyerno ang pagdinig ng panel nitong Setyembre 9.

Nauna nang inamin ni Sarah Discaya na nagmamay-ari siya ng siyam na construction firm na nagbi-bid sa isa't isa para sa mga magkakaparehong proyekto ng gobyerno.

Samantala, hindi rin dumalo si Mark Allan Villamor Arevalo ng Wawao Builders Corp. sa pagdinig ng Kamara dahil sa usaping medikal. Dumalo ang kaniyang legal na kinatawan. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News