Tinalo ni Alex Eala si Julia Riera ng Argentina, 6-1, 6-4, nitong Huwebes ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Round of 16 ng SP Open sa Sao Paulo, Brazil, upang umabante sa quarterfinals.

Matapos ang dominanteng panalo sa unang set, naungusan si Eala sa simula ng ikalawang set, 1-2, upang makalamang si Riera, na kasalukuyang ika-188 sa mundo. Gayunpaman, agad na nakabawi ang Pinay tennis ace sa pamamagitan ng tatlong sunod na panalo upang makuha ang 4-2 na kalamangan.

Nakabawi si Riera sa ikapitong game ng set, pero agad din itong sinagot ni Eala upang lumapit sa panalo. Nakaisa pang punto ang Argentinian, bago tuluyang tinapos ni Eala ang laban.

Ito ang ikalawang tagumpay ni Eala laban kay Riera sa tatlong beses na nilang paghaharap.

Sa isang panayam pagkatapos ng laro, sinabi ni Eala na nag-e-enjoy siya sa pananatili sa Brazil.

"Yes, I said the other day that Brazilians are super hospitable and that’s one thing I think that we have in common with the Philippines. I’m feeling at home and I love the atmosphere tonight," saad niya.

Sa kaniyang panalo, makakaharap ni Eala si Janice Tjen ng Indonesia sa quarterfinals ngayong Biyernes, ang labanan ng dalawang top players mula sa Southeast Asia.

Sinimulan ni Eala ang torneo sa pamamagitan ng panalo kontra kay Yasmine Mansouri ng France, 6-0, 6-2. —FRJ GMA Integrated News