Naaresto na ang isang 22-anyos na lalaki sa Utah, USA na suspek sa pagbaril at pagpatay sa conservative activist na si Charlie Kirk, ayon kay Governor Spencer Cox nitong Biyernes. Inasinta si Kirk ng suspek mula sa malayong distansiya habang nagsasagawa ng forum ang biktima sa harap ng maraming tao sa isang unibersidad.
"We got him," sabi ni Cox sa mga mamamahayag, halos dalawang araw matapos ang asasinasyon kay Kirk, 31-anyos.
Kinilala ang suspek na si Tyler Robinson, na umamin umano o ipinahiwatig sa kaibigan ng pamilya ang ginawang krimen.
Ang naturang kaibigan ng pamilya ang nakipag-ugnayan sa Washington County sheriff's office nitong Huwebes na naging daan sa pagkakaaresto sa suspek.
Ayon pa kay Cox, may kapamilyang nagsabi sa mga imbestigador na naging mas politikal ang suspek nitong mga nakaraang buwan at madalas magsalita nang masama tungkol kay Kirk.
Naaresto si Robinson nitong Huwebes ng gabi, humigit-kumulang 33 oras matapos ang insidente, ayon kay FBI Director Kash Patel, sa isang press conference.
Binaril si Kirk, kilalang kaalyado ni Pangulong Donald Trump, habang nagsasalita sa entablado ng isang outdoor amphitheater sa Utah Valley University noong Miyerkules.
Tinawag ni Trump ang pamamaril na isang “heinous assassination."
Matapos ang pamamaril, sinabi ng mga imbestigador na narekober nila ang isang bolt-action rifle na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay kay Kirk.
Kasunod nito ay inilabas ng mga awtoridad ang mga CCTV image ng “person of interest” at humingi ng tulong mula sa publiko para matukoy kung sino ang nasa larawan.
Kinausap ng mga imbestigador ang roommate ni Robinson, na nagpakita ng mga komento ni Robinson sa Discord — isang platform para sa chat at gaming. Napag-usapan doon ang pagkuha niya sa rifle mula sa drop point at pagtatago nito na binalutan ng tuwalya sa mga puno, na tumugma sa narekober na armas malapit sa campus.
Ayon pa kay Cox, ang mga bala na narekober sa lugar ng krimen ay may mga mensaheng nakaukit na: "Oh, Bella Ciao, Bella Ciao, Bella Ciao, Ciao"; "If you read this, you are gay, LMAO"; at "Hey fascist, catch!"
Ipinapaubaya na ni Cox sa publiko sa ngayon kung paano nila bibigyan ng kahulugan ang naturang mga mensahe.
Nagtungo si Kirk, na co-founder at president ng conservative student group na Turning Point USA, sa Utah Valley nitong Miyerkoles para sa kaniyang planong 15-event ng "American Comeback Tour" sa mga campus college sa US.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News
