Inihayag ni Vice President Sara Duterte nitong Martes na nakausap niya sa telepono kamakailan ang nakadetine niyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at inilarawan niya ang kalagayan nito na "okay."
“Tumawag siya last Friday. He’s okay,” sabi ng Bise Presidente sa gitna ng pagdinig ng House committee on appropriations tungkol sa hinihingi ng kaniyang opisina na P889 millyong budget para sa 2026.
“Nag-usap kami [ni former President Duterte] about politics, nag-usap kami about flood control, nag-usap kami about love life niya,” dagdag ni Duterte.
Inihayag ito ni Sara ilang araw matapos sabihin ng kampo ng depensa ng dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) na hindi kakayanin ng dating lider na humarap sa paglilitis para sa kinakaharap na kasong crime against humanity dahil sa hindi na ito naaalala ang mga pangyayari at hindi na rin nakikilala ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
Dahil dito, hiniling sa ICC ng abogado ng dating pangulo na si Atty. Nicolas Kaufman, na ipagpaliban ang lahat ng paglilitis laban kay Duterte.
Ayon sa public redacted na bersyon ng “Defense Request for an Indefinite Adjournment” na inilabas ng ICC noong Setyembre 11, sinabi ni Kaufman na kulang ang kapasidad ng 80-anyos na Duterte na gumamit ng kasanayan sa pag-iisip na kakailanganin para sa wastong pagsasagawa ng kaniyang depensa.
"In fact, he is not even able to process the reasons for his detention," ani Kaufman.
Ipinagpaliban ng ICC ang pagdinig sa mga kaso ng kumpirmasyon laban kay Duterte na nakatakda sa Setyembre 23, at binanggit ang pahayag ng depensa na “not fit to stand trial” ang dating pangulo.
Nakakulong si Duterte mula nang maaresto noong Marso batay sa warrant ng ICC dahil sa umano'y mga krimen laban sa sangkatauhan dahil sa libu-libong pagpatay sa kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon mula 2016 hanggang 2022. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
VP Sara tungkol sa amang si Rodrigo nang magka-usap sila sa telepono: ‘He’s okay’
Setyembre 16, 2025 3:59pm GMT+08:00
