Na-cite in contempt ng Senate blue ribbon committee sa pagdinig nitong Huwebes ang kontratistang si Pacifico "Curlee" Discaya II at dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara dahil sa umano'y pagsisinungaling.

Inaprubahan ng Blue Ribbon committee ang mosyon na inihain ni Senador Raffy Tulfo para i-cite in contempt si Curlee Discaya matapos niyang sabihin sa komite na hindi makadadalo ang kaniyang asawa at business partner na si Sarah dahil sa "heart condition."

Taliwas ito sa sulat na ipinadala ni Sarah sa komite.

Binasa ni Senate Pro Tempore Panfilo Lacson, chairman ng komite, ang liham na nagsasabing hindi makadadalo si Sarah dahil sa isang naunang meeting kasama ang kaniyang mga empleyado.

 

"Niloloko mo kami. You lied!" sabi ni Senator Erwin Tulfo.

Nang bigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang kaniyang sagot, sinabi ni Discaya na mayroong diabetes at hypertension ang kaniyang asawa.

"Marami po siyang maintenance na gamot na ginagamit," ani Discaya.

Dahil dito, tila napuno na ang Senate blue ribbon committee at nagmosyon para i-cite in contempt si Discaya.

Samantala, na-cite in contempt rin si Alcantara dahil sa paggigiit na wala siyang kinalaman sa mga ghost projects sa Bulacan.

Sinabi ni Senator Erwin Tulfo na hindi kapani-paniwala ang sinabi ni Alcantara.

“Dalawang hearing na itong nagsisinungaling. Sa mga taong nasa baba, lahat may kasalanan, ikaw wala. District engineer ka, hindi mo alam na may ghost projects. Wala ka rin alam, lumubo 'yung budget mo. Hindi ba dumadaan sa lamesa mo 'yan na lumaki 'yung pondo mo?” ani Tulfo.

Sumagot si Alcantara na: “Your Honor, kami naman po pag lumalabas po sa GAA, ini-implement lang po namin 'yung project. Actually po ‘yung sinasabi ko po sa ghost project, talaga po wala akong alam diyan.” —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News