Habang umiinit ang imbestigasyon tungkol sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects, nagpahayag ng interes ang mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya na maging state witness kapag umabot na sa korte ang usapin.  Pero ano nga ba ang mga kailangan upang maging isang state witness sa Pilipinas? Alamin.

Sa panayam ng GMA News Online kay Atty. Ephraim Cortez, presidente ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ipinaliwanag niya na dapat munang masampahan ng kaso ang isang indibidwal sa korte bago siya puwedeng maikonsidera na state witness.

Ayon kay Cortez, ang korte ang magpapasya kung ang akusado ay papasa bilang state witness, o testigo para sa panig ng gobyerno.

Sa ilalim ng Rules of Criminal Procedure, maaaring i-discharge (o alisin bilang akusado) ang isa o higit pang akusado sa kaso upang maging testigo sila para sa estado kung aaprubahan ng korte ang hiling ng prosekusyon.

Kailangan magpakita ang prosekusyon ng mga katibayan at sinumpaang salaysay ng mga state witness para maalis sila bilang akusado.

“Sa criminal procedure, definitely dapat merong indictment, ma-charge tapos tsaka ipa-file ‘yung motion for the accused to be discharged,” paliwanag ni Cortez.

Sa ilalim ng Rules, dapat makumbinsi ang korte sa mga sumusunod na kondisyon:

  •  May lubos na pangangailangan sa kanyang testimonya.
  •  Walang ibang direktang ebidensya para sa kaso maliban sa kanyang salaysay.
  •  Ang kanyang salaysay ay maaaring suportahan ng iba pang ebidensya sa mahahalagang punto.
  •  Ang akusado ay hindi ang pinaka-may sala o most guilty sa krimen.
  •  Hindi siya kailanman nahatulan sa krimeng may kinalaman sa moral turpitude (imoral na asal gaya ng pandaraya o panlilinlang).

Kung maaalis bilang akusado at maging state witness ito, sinabi ni Cortez na maituturing na itong acquitted o napawalang-sala sa kaniyang kaso.

“Technically, ang effect ng discharge ay acquittal, sabi ng decisions ng Supreme Court (SC) at ‘yun ang sabi din sa Rules. Pero may precondition ‘yan. He needs to testify,” paliwanag niya.

“So, let’s say na discharge siya, so he qualified as state witness pero later on hindi siya nag-testify. May problem doon sa effect nung discharge. Hindi mag-attach ‘yung effect ng discharge, which is acquittal,” dagdag niya.

Kung tatanggihan naman ng korte ang mosyon ng prosekusyon para sa pagiging state witness ng isang akusado, hindi maaaring gamiting ebidensiya ang kaniyang isinumiteng sinumpaang salaysay.

Nang tanungin kung maaaring maging state witness ang isang tao at hindi na isasama sa kaso, sinabi ni Cortez na nasa desisyon na ito ng Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police.

“It will be an agreement between the DOJ at saka ‘yung witness na ‘yun. Pero ang effect noon ay hindi siya isasama sa indictment, hindi siya isasama sa case,” tugon niya.

Ayon din kay Cortez, walang direktang pagbabawal sa batas tungkol sa naturang usapin.

“Kasi ‘yung Rules on Criminal Procedure, it covers instances where the cases are already pending in Court, so kaya ongoing na ‘yung trial. So ‘yung prior to trial, I think whether to file a case in Court or not, sabi ng SC, ay within the discretion ng Prosecutorial Service ng DOJ,” paliwanag niya.

Nitong Biyernes, nagtungo ang mag-asawang Discaya sa tanggapan ng DOJ para talakayin ang kanilang kahilingan na maging state witness kaugnay ng iskandalo sa flood control projects.

Sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ilang pangalan ng mga kongresista, kanilang tauhan, at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways, ang tinukoy nila na sangkot umano sa katiwalian sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.

Pero ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, bukod sa mga isisiwalat ng mag-asawang Discaya, dapat din nilang ibalik sa gobyerno ang kanilang ill-gotten wealth o nakuhang pera mula sa maanomalyang mga transaksyon sa proyekto, bago sila maikonsideteng mga state witness. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News