Nagkainitan sina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Rodante Marcoleta sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Blue Ribbon committee nitong Martes, kaugnay sa usapin kung sino ang maaaring maging state witness sa usapin ng kontrobersiyal na umano’y katiwalian sa paggamit ng pondo sa flood control projects.

Sa pagsisimula ng pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Lacson, kinuwestiyon ni Marcoleta, dating chairman ng komite, ang sagot ng una sa isang panayam ng media, na para sa kaniya ay mas dapat na maging state witness si dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez kaysa sa mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.  

Para kay Marcoleta, hindi umano dapat nagbibigay ng naturang pahayag si Lacson habang isinasagawa pa ng komite ang imbestigasyon tungkol sa isyu.

“Foremost to my mind, Mr. Chair, is the integrity, the impartiality, and the objectivity of the proceedings of this committee,” ani Marcoleta.

“Mr. Chair, question is, does the chairman have the prerogative or the right to make judgment?” dagdag niya.

Gayunman, ipinaliwang ni Lacson, na personal na pananaw niya ang sinabi niya sa panayam na labas sa pagdinig at ng Senado.

“So don’t question my opinion, that’s my opinion,” giit ni Lacson kay Marcoleta.

Sinabi naman ni Marcoleta na hindi niya kinukuwestiyon ang opinyon ni Lacson pero dapat na isaalang-alang umano ng senador ang pagiging pinuno nito ngayon ng Blue Ribbon committee.

Dahil sa umiinit na ang diskusyon, sandaling sinuspinde ni Lacson ang pagdinig kung saan magsasalita na dapat ang kontrobersiyal na dating Bulacan first district engineer na si Henry Alcantara.

Pero habang nakasuspinde ang sesyon, tinanong ni Lacson si Marcoleta kung bakit pinoprotektahan nito ang mga Discaya.

Pumalag dito si Marcoleta na sinabing, “I am not protecting them. Buti sinabi mo ‘yan, Mr. Chair. Puwede ba nating i-record ito? Palagi niyong sinasabi I am protective of the Discayas. When I was chairman of this committee, sinabi ko na sa inyo, the only remedy provided under the law is for them to apply, if they qualify, under the process of witness protection program. That’s all what I did.”

Hindi na pinansin ni Lacson si Marcoleta at muling ipinagpatuloy ang pagdinig upang makapagsalita na si Alcantara.

Gayunman, hindi kaagad tumigil si Marcoleta.

“I will register my continuing objection, Mr. Chair, I will question the objectivity of this proceedings, if you will not allow me to raise these points, maybe in the plenary this afternoon I will raise it,” giit niya.

Pumagitna naman sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para pakalmahin si Marcoleta at paupuin muli. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News