Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na isinailalim na sa pangangalaga bilang saksi ng Witness Protection Program (WPP) ang mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya, at mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
“After hearing them, nag-usap-usap kami, and we decided that that’s the least we can do right now,” sabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkoles sa isang ambush interview.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na bibigyan sila ng DOJ ng proteksiyon, pati ang kanilang pamilya.
“Bibigyan na natin ‘yan ng mga security. Papaalam na natin sa PNP ‘yung kanilang kinalalagyan para meron nang roronda kung saan man sila naroroon. Talagang paparamdam natin sa kanila na hindi natin sila papabayaan,” paliwanag ng kalihim.
Sinabi rin ni Remulla na sumulat na ang DOJ kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III tungkol sa kalagayan ng mga nabanggit na personalidad na nauugnay sa umano’y anomalya sa pondong inilaan sa flood control projects.
Hindi pa state witnesses
Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na hindi pa sila opisyal na "state witnesses", na nangangahulugang hindi pa sila ganap na ligtas sa pananagutang kriminal.
Giit ni Remulla, ang nais niya ay “the whole truth and nothing but the truth,” para sa state witness upang makaligtas mula sa criminal liability.
Sa kabila nito, inihayag ni Remulla na nagpapakita ng "good faith" ang dating mga opisyal ng DPWH.
“Pinapakita nila na gusto nila talaga magsabi ng totoo at ito ay kanilang sinasabayan ng mga dokumento at mga notes na kanilang naipon through the years,” saad ng kalihim.
Tinukoy ni Remulla ang ginawang pagsuko ni Hernandez ang ilan sa kaniyang mga ari-arian, at may balak pa siyang ibalik ang iba.
Kabilang dito ang isang luxury vehicle na isinuko sa Independent Commission on Infrastructure (ICI).
“‘Yan ay mga simbolo ng mga yaman na hindi dapat na kaban ng isang tao. Kung ito man ay nanggaling sa casino o nanggaling sa pondo ng bayan, ‘yan ay hindi na dapat maulit sa atin,” sabi ni Remulla.
Nagtungo sina Hernandez at Mendoza sa DOJ nitong umaga ng Miyerkoles para sa evaluation o pagsusuri upang maging testigo.
Kinumpirma rin ni Remulla na natanggap ng DOJ ang mga ebidensiya na nasa computer ni Hernandez.
May mga karagdagang impormasyon din umano silang nakuha na hindi pa lumalabas sa mga pagdinig na ginagawa ng Kongreso.
“Mga pangalang hindi nababanggit na ngayon ay nababanggit at maaaring i-ugnay sa mga taong hindi pa nababanggit,” ani Remulla.
Nang tanungin kung kontento na siya sa impormasyong hawak ng DOJ, sinabi ng kalihim na, “Ako naman ay natutuwa na nariyan sila upang magbigay ng impormasyon sa atin at ‘yang mga impormasyon na ‘yan ay talagang makakatulong sa mga kasong ating ipapataw at mga taong ihahabla natin,” sabi ng kalihim.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

