Pinangalanan ni dating Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo nitong Huwebes sina Senator Francis "Chiz" Escudero, dating senador Ramon "Bong" Revilla Jr. at Nancy Binay, at Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na sangkot umano sa flood control projects.
Ipinahayag ito ni Bernardo sa kanyang pagharap sa Senate blue ribbon committee.
Nauna nang inirekomenda ng National Bureau of Investigation ang pagsasampa ng kaso laban kay Bernardo matapos siyang pangalanan ni Bulacan first district engineer Henry Alcantara na kasama niyang nagbibigay ng kickback sa flood control projects.
Chiz Escudero
Sa kaniyang affidavit, sinabi ni Bernardo na humiling si Maynard Ngu, campaign contributor ni Escudero at kanilang malapit na kaibigan, sa kaniya na magsumite ng listahan ng mga proyekto.
Ang ilan sa mga proyektong isinumite niya ay kasama sa General Appropriations Act.
Sinabi ni Bernardo na matapos niyang ibigay kay Ngu ang listahan at magtanong kung paano ito itutuloy, sinabi sa kaniya ni Ngu na siya na ang bahala rito. Tinanong niya kung katanggap-tanggap na ang 20% at sumagot naman si Ngu na walang problem rito.
“After inclusion of the projects in the GAA, I delivered 20% of approximately P800 million or about P160 million to Maynard Ngu which was meant for Senator Escudero,” sabi niya.
“Finally, I would like to add that deliveries of cash were personally made… by me to Maynard Ngu at his office in Manila,” dagdag niya.
Nancy Binay
Pagdating naman kay Binay, sinabi niya na tinawagan siya ng pinagkakatiwalaang confidant at staff ng senador at humingi ng commitment, na itinakda sa 15% ng kabuuang mga proyektong nakalista.
“Engineer Alcantara collected the 15% commitment, or about P37 million, which was turned over to me and which I then delivered to Senator Binay at a house in Quezon City,” sabi niya.
Zaldy Co
Sinabi ni Bernardo na minsan siyang tinawagan ni Co tungkol kay Alcantara.
Sinabi niyang gusto umanong malaman ni Co kung madaling kausap si Alcantara.
“Engineer Alcantara then told me that Cong. Zaldy Co was asking for a 25% commission and of that amount, 2% was to be shared equally between Engineer Alcantara and myself,” sabi niya.
Dagdag ni Bernardo, sinabi rin sa kaniya ni Alcantara na naghatid siya ng pera kay Co bilang pagsunod sa mga pangako.
Bong Revilla
Sinabi pa ni Bernardo na binigyan niya rin si Revilla ng listahan ng mga proyekto noong 2024.
“Senator Revilla asked for a commitment which I suggested and he then approved at 25% of the total amount of the projects indicated in the list,” sabi niya.
Matapos nito, kinolekta ni Alcantara ang 25% commitment o humigit-kumulang P125 milyon. Inihatid umano ito sa kaniya at inihatid naman sa bahay ni Revilla sa Cavite.
Trygve Olaivar
Pinangalanan din ni Bernardo si Education Undersecretary Trygve Olaivar.
Ayon sa kaniya, noong 2024, tinawagan siya ni Olaivar para pag-usapan ang mga unprogrammed appropriation, para umano sa Office of the Executive Secretary. Hiniling umano sa kaniya ni Olaivar na magsumite ng listahan ng mga proyekto.
Alinsunod sa kaniyang kautusan, nagsumite si Alcantara ng listahan ng mga proyekto na nagkakahalaga ng P2.85 bilyon. Sinabi niyang pagkatapos nito ay isinumite niya ang listahan kay Olaivar, na nagsabi sa kaniya na may 15% na commitment.
“Thereafter, the DPWH received a Special Allotment Release Order for PhP2.85 billion for the projects,” sabi niya.
“Engineer Alcantara from time to time would collect and deliver the agreed 15% commitment to me which I delivered or cause to be delivered to Usec. Olaivar in Magallanes, Makati, and other places,” dagdag niya.
Samantala, binanggit din ni Bernardo si Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, na iniimbestigahan dahil sa pagiging contractor ng kaniyang asawa ng mga flood control project.
Sinabi ni Bernardo na humiling si Lipana na ma-refer sa mga opisyal ng DPWH Bulacan first district. Ini-refer niya si Lipana kay dating Bulacan 1st assistant district engineer Brice Hernandez.
“I have no personal knowledge if they were able to secure a project,” sabi niya.
Nag-apply si Bernardo para sa Witness Protection Program.
Nagpunta si Bernardo sa Department of Justice batay na rin sa hiling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa komite upang masuri ang kanyang testimonya
Pagtanggi
Sa hiwalay na mga pahayag, itinanggi nina Escudero at Binay ang mga alegasyon.
Ayon kay Escudero, tila mayroong isang maayos na plano na atakihin ang Senado at ang mga miyembro nito "to destroy and discredit the institution and to divert the public’s attention from the real perpetrators."
"I vehemently deny the malicious allegations and innuendos made by former DPWH Usec. Roberto Bernardo in today’s Senate Blue Ribbon Committee. By his own admission, he never had any contact with me directly regarding this matter—and I will prove that he is lying about my alleged involvement," sabi ni Escudero.
Dagdag niya, haharapin niya ang mga akusasyon at magsasampa ng kaukulang kaso laban kay Bernardo dahil sa mga pahayag nito.
Nagpahayag ng pagtataka at kalungkutan naman si Binay sa pagkakabanggit sa kaniya sa isyu.
"Walang katotohanan ang mga bintang sa akin...Madaling magbigay ng mali at mapanirang salaysay. But my performance in public service has always been above board and beyond a shadow of doubt," saad niya sa isang Facebook post.
Kinondena naman ni Revilla ang pagdadawit sa kanya sa isyu. Nagpahayag siya ng kahandaang makipagtulungan sa kahit anong imbestigasyon o proseso upang lumabas ang katotohanan.
"It is not in his character to shy away, hide from, or evade challenges. Mr Revilla is one with the public in demanding accountability. He will not allow sinister forces to use his good name to thwart that end. He will face this head-on," ayon sa pahayag na inilabas ng Divina Law.
Sa kaniyang pahayag, itinanggi rin ni Olaivar ang mga paratang at sinabing kukuha siya ng boluntaryong leave of absence upang payagan ang isang patas na pagsisiyasat sa usapin.
“Earlier today, DPWH Usec. Bernardo mentioned my name in the Senate Blue Ribbon Committee hearing. I deny the allegations made and want to state clearly that I welcome any investigation regarding this matter,” sabi niya.
“To allow a fair inquiry, I will voluntarily take a leave of absence from my post and am ready to fully cooperate with any and all proceedings,” dagdag niya.
Naglabas rin ng pahayag si Executive Secretary Lucan Bersamin na itinatanggi ang anumang kaugnayan sa flood control projects.
“The imputation is not true,” pahayag ni Bersamin.
“In the first place, the OES has no involvement in any way with budgetary allocations relevant to the DPWH,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Bersamin na wala siyang kahit na anong transaksyon kay Bernardo o kay Olaivar.
Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online sa iba pang mga taong binanggit ni Bernardo para sa komento at ilalathala ang kanilang mga pahayag.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News

