Pahirapan ang pagkuha sa mga taong natabunan ng mga malalaking bato matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang probinsya ng Cebu noong Martes.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang paggamit ng heavy equipment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 7 Equipment Management Division para tanggalin ang malalaking tipak ng bato na bumagsak sa ilang tahanan sa Sitio Laray sa Barangay Binabag sa Bogo City.
Hindi naging madali ang pagpasok sa lugar at maging ang retrieval operations sa mga biktima.
“Inabutan namin tatlong patay. Tapos may ina, dalawang anak na lalaki. ‘Yung ama, naunang na-retrieve, patay din,” sabi ni Engineer Jerry Evangelio ng DPWH Region 7.
Sugatan ang kaanak ng mga biktima na si Richard Dosayan.
Ang lungsod ng Bogo ang naging epicenter at pinakanapuruhan ng lindol.
Mistulang binagsakan naman ng bomba ang bahay ni Arnie Calasa na nagkasira-sira ang palikuran at kusina.
Nananatili naman sa triage area ang mga pasyente ng Cebu Provincial Hospital sa Bogo City dahil patuloy pa rin ang mga aftershock.
Sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na lilipad sa Cebu ang isang team ng DPWH Manila upang suriin ang structural integrity ng ospital.
Nagkaroon ng matinding pinsala ang Operating Room, Emergency Room at Delivery Room na iniutos ni Dizon na agad na ayusin.
“Habang ina-assess, papasok na rin ‘yung mga mag-aayos ng hospital. That is a top-top priority for us, to get the hospital up and running in the next few days,” sabi ng kalihim.
Pinasusuri na rin ni Dizon ang lahat ng mga tulay sa buong lalawigan ng Cebu.
Binuksan na ang First Mactan-Mandaue Bridge matapos ang ilang oras ng pagsasara dahil sa lindol, at pinayagan na rin ang mga motorista na daanan ang Marcelo Fernan Bridge at CCLEX na tiyak ng ligtas, ayon sa advisory ng DPWH. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
