Ipinamalas ng isang aso ang kabayanihan nito matapos saluhin ang bigat ng gumuhong parte ng bahay para sagipin ang pamilya sa pagyanig ng lindol sa Daanbantayan, Cebu.
Sa ulat ng GMA Integrated News, sinabing naipit sa guho ng kanilang bahay ang pamilya ni Angelita Postrero kasama ang alaga nilang aso na si Luke sa Barangay Paypay.
Kuwento ng pamilya, hindi na mapakali at kahol nang kahol si Luke bago pa maganap ang lindol.
Noong lumindol, nasagip umano ng aso ang mister ni Angelia at kanilang walong taong gulang na anak matapos saluhin ni Luke ang bigat ng gumuhong bahagi ng kanilang tahanan.
Nagamot na ang pamilya, samantalang patuloy na ginagamot ng isang organisasyon si Luke.
Napuruhan ang mga paa at maselang bahagi ng katawan ng aso, at hindi pa tiyak kung muli pa itong makalalakad. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News

