Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes na 421 ang napag-alamang “ghosts” sa 8,000 flood control projects na inisyal na ininspeksyon sa buong bansa.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, isinagawa ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga inspeksiyon noong mga nakaraang linggo.
“We briefed the [Independent Commission for Infrastructure] on our initial findings as of October 6,” sabi ni Dizon sa isang press conference matapos ang pakikipagpulong sa komisyon.
“Initially, 8,000 projects all over the country were validated. And out of the 8,000, ang na-validate na ghosts ng AFP, PNP, [DEPDev] ay 421,” dagdag ni Dizon.
Sinabi ni Dizon na natuklasan ang ghost projects sa iba't ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Karamihan sa mga ghost project na ito ang naitala sa Luzon, ayon sa kanya.
Dagdag pa niya, ilan sa mga proyekto ang kinontrata ng parehong mga kontratista ng gobyerno na pinangalanan sa mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi ng executive director ng ICI na si Brian Hosaka na nagbigay ng direksyon sa komisyon ang kanilang natanggap na impormasyon at sinabing titingnan nila ang mga sinasabing ghost project.
“We will look into those at kung may ibang mga distrito, regions na puwede naming tingnan at kumpleto na ‘yung mga dokumento at ebidensiya, pupuntahan natin ‘yan,” sabi ni Osaka.
Para kay Dizon, sinabi niyang “low-hanging fruits” para sa prosekusyon ang mga nakumpirmang ghost projects.
“Madaling i-establish ‘yung liability and accountability. Ghost nga eh. Hindi na mahaba ‘yung case build-up ‘nun,” sabi niya.
50% na tapyas
Samantala, sinabi rin ni Hosaka na inirekomenda ng komisyon sa DPWH na bawasan ng kalahati ang halaga ng procurement threshold para sa district at regional engineering offices.
“The district is P150 million for civil works procurement and the region is P400 million. So, ang suggestion ng ICI is kalahatiin ito para sa ganoon makontrol natin ang procurement ng DPWH ng civil works,” sabi niya.
Kung maipapatupad ang mungkahi, bababa sa P75 milyon ang threshold amount para sa procurement para sa mga distrito, at P200 milyon naman para sa mga rehiyon. —VBL GMA Integrated News

