Pinuna ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang ilang tao na tumakbo palabas ng mga gusali sa halip na mag-”duck, cover, and hold” noong mga nagdaang lindol.
Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nagbigay ang PHIVOLCS ng mga paalala sa mga nararapat at hindi nararapat gawin para sa kaligtasan matapos ang magkakasunod na mga lindol sa iba't ibang bahagi ng bansa.
“May nakikita tayo mga adults sa Cebu, sa Davao also, na nagtatakbuhan during the shaking, which is hindi natin nire-recommend ‘yan kasi ang sinasabi natin, if there's a strong shaking, you stay put, you do the duck, cover, and hold,” sabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol.
Nagpaalala ang ahensiya na habang lumilindol, dapat na huminto at protektahan ang ulo. Kapag kasi nagtakbuhan, sa halip na pagbagsak ng mga debris, mas may panganib ang stampede o ipitan dahil sa dagsa ng mga tao.
“Kasi kung tatakbo ka during the shaking, pwede kang matumba, ‘yung kasunod sa 'yo, puwede rin matumba. And then magpa-pile up din ‘yung mga bodies,” ani Bacolcol.
Hindi rin rekomendado ng PHIVOLCS ang pag-akyat sa mas mataas na palapag kapag yumayanig.
“Kasi kung during the shaking, aakyat ka dahil natatakot ka na bumagsak ‘yung building, gano'n din, 'yung building babagsak yan during the shaking. It's not after ka nakarating sa taas, and saka ‘yan babagsak,” sabi pa ni Bacolcol.
Ayon sa PHIVOLCS, kapag tumigil na ang pagyanig o pagalaw dahil sa lindol, huwag piliting umakyat sa mas mataas na bahagi ng building kundi bumaba na agad sa fire exit o exit para makalabas nang mabilis.
Kung magka-aftershock, mag-duck, cover and hold pa rin at magtago sa mas matibay na parte ng gusali tulad ng ilalim ng pintuan.
Kung abutan naman ng lindol sa labas o kalsada, payo pa rin ng PHIVOLCS ang duck, cover, and hold at huwag tumakbo. Ngunit siguruhing malayo sa poste o puno na maaaring bumagsak.
Kung abutan ng lindol sa sasakyan, manatili sa loob at huwag itong paandarin.
Para naman sa mga nakatira sa tabing dagat na may banta ng tsunami, lumayo at lumikas na agad.
Senyales ng tsunami kapag nakitang umatras ang tubig at may malakas o kakaibang natural sound o tunog sa dagat.
“Takbo ka na agad to a higher place. Huwag nang mag-Facebook live. Ang ginawa pa parang mag-Facebook live pa yata. Which is, paano kung bumalik ‘yun as a tsunami wave and mataas 'yung alon?” sabi ni Bacolcol. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
