Tinatayang nasa 6,000 mag-aaral sa Malaysia ang tinamaan ng influenza-like illnesses o trangkaso na dahilan para isara o suspendihin ang klase ilang eskuwelahan para sa kaligtasan ng mga estudyante at mga empleyado, ayon sa kanilang education ministry official.

"We already have extensive experience in dealing with infectious diseases from the COVID-19 pandemic," ayon kay director general Mohd Azam Ahmad nitong Lunes batay sa isang video ng kaniyang pahayag na ipinost ng isang local news broadcaster.

“We have reminded schools to follow these guidelines, encouraging the use of face masks and reducing large group activities among students," dagdag niya.

Hindi naman tinukoy ng opisyal kung ilang paaralan ang isinara, ngunit sinabi niyang may mga kaso ng impeksyon sa ilang lugar sa buong bansa.

Noong nakaraang linggo, iniulat ng health ministry na may 97 influenza clusters sa buong bansa, na mas mataas mula sa 14 lang noong nakaraang linggo. Karamihan umano ay naitala sa mga paaralan at kindergarten. —mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News