Nauwi sa pananaksak ang paniningil umano ng isang lalaki ng utang sa isang jeepney driver habang nasa lansangan sa Barangay Malabago sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon itong Huwebes, makikita sa CCTV footage na nakuha ng Mangaldan Police, na tila kinokompronta ng isang lalaki ang driver ng jeepney sa gilid ng kalsada noong Lunes, October 20, 2025.
May utang umano ang naturang driver na nasa loob ng jeep na sinisingil ng biktima. Pero naglabas umano ng patalim ang driver at sinaksak biktima na tinamaan sa kilikili.
Dinala sa ospital ang biktima na maayos na ang kalagayan.
Tinutugis naman ng mga pulis ang suspek na tumakas patungo sa Dagupan City.
“After po ng incident, pumunta po ito ng Dagupan dala ‘yung ginamit nitong patalim. Sa investigation nga po natin, ito po ‘yung nagpapa-five-six at hindi po pa nagbabayad at puro promises ang ano kaya nagkaroon sila ng pagtatalo at sinaksak po itong ating victim,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station. -- FRJ GMA Integrated News
