Isa namang guro ang binaril ng kaniyang asawa sa loob ng isang paaralan sa Leyte. Sa pagkakataong ito, hindi nakaligtas ang biktima.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng Agbanga Elementary School sa Matalom, Leyte, nitong Miyerkoles ng umaga.

Nasawi ang 39-anyos na biktima na isang Kindergarten teacher. Patay din ang 49-anyos na suspek na hinihinalang nagbaril sa sarili sa kanilang bahay matapos gawin ang krimen.

Ayon sa pulisya, walang security guard sa paaralan, at nagpanggap na delivery rider ang suspek upang makapasok sa eskuwelahan.

Batay sa testimonya ng ilang guro, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa, hanggang sa tumakbo ang biktima sa isang silid-aralan kung saan siya sinundan ng suspek at dalawang beses na binaril.

Tinamaan ng bala sa leeg ang biktima na kaniyang ikinamatay.

Bago ang krimen, napag-alaman na naghain ng reklamo ang biktima laban sa kaniyang asawa dahil sa paglabag sa violence against women and children (VAWC) law.

Ayon sa pulisya, nakita ang bangkay ng suspek sa loob ng banyo ng kanilang bahay at nakita rin sa tabi niya ang isang baril.

"Ang nakikita po naming motibo is itong family problem kasi months ago ito pong babae nag-file ng case, particularly VAWC or RA [Republic Act] 9262,” sabi ni Police Lt. Ronnel Cawili, officer in charge ng Matalom Municipal Police Station.

Noong lang nakaraang linggo, nasugatan ang isa ring guro matapos na barilin ng dati nitong asawa habang nasa loob ng paaralan sa bayan ng Tanauan.

Nagtamo ng tama ng bala sa balikat at hita ang biktima pero nakaligtas.

Naaresto naman ang suspek, na hinihinalang nagselos matapos na hindi na makipag-ugnayan sa kaniya ang biktima.

Kahit isang taon nang hiwalay ang dalawa, nanatili umano ang komunikasyon nila pero biglang tumigil ang biktima na ikinagalit umano ng suspek. – FRJ GMA Integrated News