May mga tanong si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa mga ibinunyag ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co laban kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete sa likod ng umano’y P100 bilyon na “insertions” sa national budget. Ngunit ang sinasabing insertion, ayon kay Lacson, ibinasura ni Marcos sa pamamagitan ng pag-veto nang pirmahan ang budget.

“As of now, walang probative value kasi hindi naman under oath,” sabi ni Lacson sa ambush interview nang hingan ng komento sa ibinunyag ni Co sa pamamagitan ng video post sa Facebook nitong Biyernes.

Ngayong araw din nagpatuloy ang pagdinig ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Lacson tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects, na kabilang si Co sa mga isinasangkot.

Sa video ni Co, sinabi niya na tinawagan siya ni Budget Secretary Amenah Pangandaman noong nakaraang taon dahil umano sa utos ni Marcos na magsingit ng P100 billion worth of projects sa bicameral conference committee report. 

Sa huli, sinabi ni Co na ang P100 bilyong insertion sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay binawasan at naging P50 bilyon. Aniya, kapag itinuloy ang P100 bilyon na singit, mas lalaki ang budget ng DPWH kaysa Department of Education (DepEd) na magiging labag umano ito sa 1987 Constitution.

Ang bicameral conference committee report ay dapat inaaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso—ang Kamara de Representante na kinabibilangan ni Co, at ang Senado. 

Ayon kay Lacson, maituturing kuwento lamang ang mga pahayag ni Co na hindi sinumpaan o under oath.

“Pumunta siya rito, mag-take oath siya, at sabihin niya ‘yung statement niya. Then ‘yun ang may probative value,” anang senador.

“I'm not saying it's unbelievable. Pero at face value, meron tayong sinasabi na ‘yung sabihin natin, common sense only because alam ko ‘yung budgeting process na nagsisimula sa NEP (national expenditure program) na ‘yung Presidente, may complete control over what should be inserted in the NEP. So kung ganun na pala, ba’t sa bicam pa siya magpapa-insert,” sabi pa ni Lacson.

Ang NEP ang tila libro na isinusumite ng DBM sa dalawang kapulungan ng Kongreso na pinagbabasehan ng mga senador at kongresista sa gagawing paghimay sa taunang budget ng mga ahensiya ng pamahalaan kung may dapat bawasan o dagdagan, o ilipat na pondo.

Ayon kay Lacson, kung totoo na may iniutos si Marcos na ipa-insert sa bicam, bakit hindi pa ginawa ni Marcos mismo sa NEP na mayroon siyang buong kontrol na iutos sa mga opisyal ng kagawaran.

Dagdag pa niya, kung ipina-insert ni Marcos ang naturang halaga ng pondo, bakit ibinasura ito ng pangulo sa pamamagitan ng pag-veto nang pirmahan ang budget upang ganap na maging batas.

READ: Marcos signs 2025 nat'l budget, vetoes P194 billion

Sinabi rin ni Lacson na hindi na itinuloy ang pagsalang kay Co sa pagdinig ng komite via Zoom dahil na rin sa pangamba ni Senador Bato Dela Rosa na baka magtuturo ang dating kongresista at hindi nila mapapanagot kung magsisinungaling dahil hindi ito magiging under oath sa komite.

Gayunman, puwede pa rin naman daw na isalang si Co, na patuloy na hinahanap at pinaniniwalaan na nasa ibang bansa, sa pagdinig via Zoom kung magpupunta ang dating kongresista sa embahada o konsulado ng Pilipinas, at doon siya manunumpa para sa kaniyang mga sasabihin.

Nilinaw naman ni Lacson na hindi niya idinedepensa si Marcos, “it’s just hard to speculate.” — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News