Tukoy na umano ng Land Transportation Office (LTO) kung sino ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan na nakita sa viral video na minamaneho ng isang menor de edad habang nakahubad at walang suot na seat belt.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nagmamaneho ang menor de edad sa pakurbang bahagi ng daan at may nakakasalubong na ibang sasakyan.
Ang ibang nakapanood sa nag-viral na video, hindi naiwasan na mag-alala sa posibleng disgrasya na maaaring mangyari.
Ayon sa LTO, sa Mindanao kuha ang video at pinadalhan na nila ng show cause order ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan para magpaliwanag kung bakit hinayaan nito na magmaneho ang binatilyo.
Sinabi rin ni Asec. Markus Lacanilao, hepe ng LTO, na kung pagbabasehan ang video, kamag-anak umano ang kasama ng bata sa sasakyan, at maaaring magulang nito.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang magulang ng binatilyo, ayon sa ulat.
Posible umanong reckless driving ang paglabag na nagawa ng may-ari ng sasakyan sa pagpayag nito na imaneho ng binatilyo ang kotse.
Ipinagbabawal din sa batas at may karampatang multa ang hindi paggamit ng seat belt habang nagmamaneho. – FRJ GMA Integrated News
