Parehong nasawi ang isang barangay kagawad at isang senior citizen matapos magsalpukan ang minamaneho nilang mga motorsiklo sa Barotac Viejo, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing dead on arrival sa ospital ang parehong rider.

Kagawad ng Barangay Bay-ang ang isa sa mga rider, samantalang senior citizen na taga-barangay Santiago naman ang isa pa.

Lumabas sa imbestigasyon na biglang tumawid ang motorsiklo ng senior citizen kaya ito nabangga ng motorsiklo ng kagawad.

Pareho nilang ikinamatay ang malubhang sugat sa ulo. Wala ring mga suot na helmet ang mga rider nang maganap ang aksidente.

Wala pang pahayag ang kanilang mga kaanak.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News