Isa ang nasawi, habang sugatan ang isang municipal councilor matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan ng riding in tandem sa Barangay Tuka, Mamasapano, Maguindanao del Sur nitong Huwebes.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing magsasaka na nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan ang nasawi sa ambush.
Dinala naman sa ospital ang sugatan pero nakaligtas na si Montasir Dimalido, town councilor sa Sultan sa Barongis, na siyang nagmamaneho ng sasakyan.
Hindi naman nasugatan ang isa pang kasama nilang konsehal na si Abdulmanap Biang.
“Sa initial investigation, sila ay inabangan ng alleged riding-in-tandem lulan ng isang motorskilo na walang plaka. Pagdating sa lugar sila ay pinaputukan,” ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Spokesperson, Lt. Col. Jopy Ventura.
Personal na away ang isa sa motibong tinitingnan ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.
“Isa sa tinitingnang angulo is yung personal na away. Yung patay na katawan ay kinuha ng Vice Mayor ng Sultan sa Barongis, while yung isang wounded is stable naman,” ani Ventura. –FRJ GMA Integrated News
