Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) nitong Miyerkules na tuluyan nang binawi ang lisensya sa pagmamaneho ng driver ng pick-up truck na nakunan sa viral video na minura at sinaktan ang isang lalaking nagtutulak ng kariton sa Antipolo City.

Sa isang video statement, sinabi ng LTO na humarap ang nasabing driver sa tanggapan ng LTO bilang pagsunod sa show-cause order (SCO) na ipinalabas laban sa kaniya.

“Matapos ang masusing pagsusuri, tuluyan nang ni-revoke ng LTO ang driver’s license ng nasabing motorista,” saad sa pahayag ng LTO.

Sinabi ng ahensya na inamin umano ng suspek na nadala siya ng galit nang mangyari ang insidente.

Sa viral na video, makikita ang driver na kinokompronta ang lalaking nagtutulak ng kariton, habang umiiyak ang kaniyang batang anak. Nang tumalikod ang lalaki, binatukan siya ng driver bago bumalik sa sasakyan.

Natukoy kinalaunan ang nagtutulak ng kariton na si Crispin Villamor, na nagsabing mabilis ang takbo ng sasakyan at muntik nang masagasaan ang kaniyang anak, at nasagi ang kaniyang kariton.

Nitong Lunes, inihayag ng Antipolo City Police na nagkaharap sa kanilang himpilan at nagkaayos na ang driver at si Villamor.

Kinumpirma rin ng aktres na si Pokwang na kapatid niya ang driver ng pickup truck.

Humingi siya ng paumanhin sa mag-ama sa inasal ng kaniyang kapatid.

Sa pahayag ng LTO, sinabi nito nan aka-“alarma” rin ang pick-up truck kaya hindi ito maibebenta, magagamit, at mairerehistro.

“Binigyang-diin ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na hindi kukunsintihin ng ahensiya ang anumang anyo ng karahasan at iresponsableng pag-uugali sa kalsada,” saad sa pahayag ng LTO. — FRJ GMA Integrated News