Natuklasan umano ng isang lupon ng medical experts na sumuri sa kalagayan ng kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kaya nitong lumahok sa mga pre-trial proceedings ng International Criminal Court (ICC), kabilang ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa kaniya.

Batay umano sa pagsusuri ng medical experts, sinabi ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, na napagpasyahan na bagama’t mahina at may edad na si Duterte, mayroon pa rin naman siyang kakayahan, “to meaningfully exercise his procedural and fair trial rights.”

“These findings are clear and unanimous, and should be relied upon by the Chamber as authoritative, to determine that Mr. Duterte is fit to stand trial,” saad ng ICC Deputy Prosecutor sa siyam na pahinang obserbasyon.

Ipinunto rin ni Niang na dapat tanggapin ng ICC Pre-Trial Chamber 1 ang nagkakaisang pananaw ng mga eksperto, lalo na’t gumamit ang bawat isa ng mga tiyak na pagsusuri upang alamin kung sadyang hindi nagpapakita ng buong kakayahan si Duterte sa panahon ng pagsusuri, “and they each found him to be unreliable.”

“In the Prosecution’s view, it strongly appears that Mr. Duterte is feigning cognitive impairments in an attempt to avoid a trial on the merits,” giit niya.

Dahil itinuturing na mapagkakatiwalaan ang mga natuklasan ng mga eksperto, hiniling ni Niang sa Chamber na magpasya na kayang humarap ni Duterte sa pagdinig.

Hinimok din ni Niang ang korte na itakda na ang pagpapatuloy ng mga pagdinig sa kumpirmasyon ng mga sakdal at matiyak ang pagdalo ni Duterte.

Pagdinig sa ebidensya

Samantala, kinilala ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman, na ikinunsidera ng mga medical experts na may kakayahan si Duterte para sa pre-trial proceedings.

Gayunman, iginiit ni Kaufman na ang mga pamamaraang ginamit ng bawat miyembro ng lupon ng medical experts sa pag-abot sa kanilang mga kongklusyon ay, “stridently conflict with those of the others.”

Binigyan-diin niya na bagama’t nagkasundo ang mga eksperto na ang mahinang performance ni Duterte sa mga pagsusuri na idinisenyo upang sukatin ang kakayahang kognitibo ng dating pangulo ay bunsod ng "underperformance" subalit, “nowhere is it stated, however, that such underperformance is deliberate.”

Dagdag pa ni Kaufman, nabigo rin ang mga eksperto na isaalang-alang ang mga kondisyong medikal ni Duterte at isama ang mga ito sa kanilang pinagsamang kongklusyon tungkol sa kaniyang pagiging “fit.”

“Such internal inconsistencies undermine the overall weight of the general joint conclusion on fitness. Before rendering a decision on the matter, the Pre-Trial Chamber must seek further clarification,” giit ng abogado.

“The Panel’s joint report thus cannot be dispositive nor is there any articulated reason for it to be dispositive. The Pre-Trial Chamber merely rejected the Defence expertise by deeming it necessary to obtain further information,” dagdag pa niya.

Dahil dito, humiling ang depensa ni Duterte ng isang pagdinig sa ebidensya upang malinawan ang mga kongklusyon ng mga eksperto, ang mga dahilan sa likod ng mga ito, ang metodolohiyang ginamit sa pagsusuri, at ang paraan ng pagbibigay ng mga tagubilin sa kanila.

“Such an evidentiary hearing is considered standard practice in many jurisdictions throughout the world as well as before the international criminal tribunals,” ani Kaufman.

Sa kasalukuyan, nakadetine si Duterte sa The Hague, Netherlands, bunga ng kasong crimes against humanity dahil sa war on drugs campaign ng kaniyang administrasyon na marami ang namatay.

Noong Nobyembre 28, tinanggihan ng ICC Appeals Chamber ang hiling ni Duterte para sa pansamantalang paglaya. — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News