QUEZON - Isang pulis na miyembro ng Quezon Provincial Mobile Force Company (QPMFC) ang nasawi makaraang makasagupa ang isang armadong grupo sa Sitio Pulyok, Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon nitong Biyernes.
Dalawang iba pang pulis ang sugatan.
Ayon sa report ng Quezon Police Provincial Office, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang QPMFC nang makaharap at sitahin ng mga pulis ang grupo.
Agad na nagpaputok ang armadong grupo na ikinasawi ng isang pulis.
Samantala, nitong Sabado ng umaga ay muling nagkaroon ng encounter sa pagitan ng mga pulis at armadong grupo habang nagsasagawa ang pulisya ng follow-up operation sa lugar.
Napatay ng mga pulis ang lider ng grupo.
Narekober ng mga awtoridad ang dalawang 5.56-caliber rifle mula sa encounter site.
Patuloy pa ang hot pursuit ng mga awtoridad sa nasabing grupo.
Sangkot umano sa gawaing gun for hire at pagtutulak ng droga ang grupo o sindikato, sabi ng pulisya.
Dati na raw may kasong murder ang lider na nasawi.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Quezon Police Provincial Office sa pamilya ng nasawing pulis. —KG GMA Integrated News

