Natagpuan sa tabing kalsada ang isang dalagita na sugatan at halos hindi makausap matapos siyang saktan at halayin umano ng kanyang amain sa Famy, Laguna.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, inilahad ng pulisya na gumapang ang dalagita palabas mula sa isang water pumping station, hanggang sa makarating sa tabing kalsada.

Batay sa imbestigasyon, nagpaalam sa ina ang dalagita kasama ang kaniyang amain upang bumili ng panregalo sa bayan ng Siniloan pero hindi na sila bumalik sa bahay.

Dinala na pala umano ng amain sa isang masukal na lugar ang biktima at doon niya ito hinalay.

Iniuntog pa umano ng suspek ang ulo ng biktima at sinakal.

Matapos nito, dinala siya ng amain sa water pumping station at doon iniwan. Kasalukuyang nasa ospital ang biktima at tinutugis pa ng pulisya ang amain niyang suspek. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News