Patay ang isang lalaki na inaakusahang nag-trespass umano matapos siyang suntukin ng dati niyang katrabaho sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Marlon Hernandez, 34-anyos, na napagbintangan umano ng suspek na nag-trespass sa kanilang construction site tanghali ng December 23, 2025.
Ayon kay Melody Hernandez, kapatid ng biktima, pinapunta ang biktima ng suspek na si Arnel Labay sa kanilang trabaho upang sana bigyan ng pambili ng bagong tsinelas.
Gayunman, may nakakita umano sa biktima na pumasok sa loob ng site kahit na restricted area ito, kaya nagalit umano ang suspek na si Aldrin.
Batay sa kuha ng CCTV, mapanonood ang biktima na nakatayo malapit sa nasabing construction site. Pagkalapit ng suspek, sinuntok niya ang biktima.
Sa pangalawang suntok ng suspek, doon na tumama sa pader ang ulo ng biktima bago siya tuluyang humandusay sa sahig.
Naidala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian ang buhay Biyernes ng umaga.
Lumabas sa backtracking ng barangay, hindi pumasok ng site ang biktima.
“Nagbabase ako sa CCTV ng private. Hindi ko po nakita ang pumasok,” sabi ni Harry Pastor, ex-o ng Barangay 367.
Ayon naman sa kapatid ng suspek na siyang nagpapunta sa biktima, talagang bawal pumasok sa site dahil ilang beses nang may nawawalan ng gamit sa loob.
Gatunman, hindi niya umano lubos akalain na sasaktan ng kaniyang kapatid ang biktima, dahil kilala naman nila ito at minsan nang nakasama sa trabaho.
“Sabi ko sa kaniya, ‘Tol, gumawa ka ng ***, hindi mo kayang harapin.’ Kami dito, kahit anong klase kang tao. Unang una, pasensiya, siyempre kami ang naka-agrabiyado. Pero kami naman nakikipag-cooperate at kung ano naman maibibigay naming tulong, ibibigay naman namin,” sabi ni Arnel Labay, kapatid ng suspek.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Manila Police District, habang patuloy pang tinutugis ang suspek na posibleng nagtago umano sa Bulacan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
