Umakyat na sa anim ang mga nasawi sa malagim na trahedya sa highway sa Del Gallego, Camarines Sur noong Biyernes, ayon sa pulisya.
Ito ang kinumpirma ni Police Captain Bernie Undecimo, chief of police ng Del Gallego Municipal Police Station.
"'Yung initial na apat na namatay o nasawi doon sa aksidente noong Disyembre 26 ay nadagdagan ng dalawa," ani Undecimo.
Nasawi kahapon at kaninang madaling araw daw sa Bicol Medical Center ang dalawang sakay ng isang pampasaherong bus na nahulog sa bangin noong Biyernes.
Apat ang unang naulat na namatay habang 23 ang sugatan sa trahedya. Kabilang sa sugatan ang dalawang driver.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagmula sa Quezon City ang bus at papuntang Sorsogon nang maaksidente madaling araw ng Biyernes.
Sinabi ng hepe ng Del Gallego Police na posibleng nakatulog ang driver ng bus kaya nawalan siya ng kontrol hanggang sa malaglag ang sasakyan sa bangin.
Sa mga oras na ito ay nasa pagamutan pa rin ang driver ng bus at nagpapagaling.
Sinampahan na raw ito ng patong-patong na kaso. Binabantayan daw ng mga pulis ang driver.
Patuloy naman raw ang pakikipagtulungan ng bus company sa mga pasahero ng naaksidenteng bus. —KG GMA Integrated News

