Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya sa pagmamaneho ng driver na nag-viral sa social media na ibinalibag pa ang bisikleta ng kaniyang nakaalitan sa daan sa Valenzuela City. Ang minamaneho niyang ambulansya, nabisto ring peke at sa punerarya ginagamit.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing binawi ng LTO ang driver’s license ng ambulance driver dahil sa nakitang marahas niyang ugali sa viral video na nangyari noong Disyembre.

Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang LTO tungkol sa sasakyan na natuklasan na hindi talaga ambulansiya ang sasakyan, at sa halip ay ginagamit ng punerarya.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver.

“The Ford Ranger used in the incident is unregistered and has an ambulance sticker attached. It is being used by a funeral parlor," ayon kay LTO Intelligence and Investigation Division chief Renant Melitante.

"It also appeared during the interview that it is being used for private purposes. Therefore, this is subject to impounding under the guidance of our assistant secretary,” dagdag niya.

Iniimbestigahan na rin umano ng LTO ang iba pang ulat tungkol sa mga pekeng ambulansiya.

"Sa totoo lang marami po akong nakikitang ganyan meron pong mga indibidwal na nagpapanggap na ambulansya at nilalagyan nila ng blinker tapos bumabiyahe, minsan ginagamit sa mga negosyo nila,” sabi ni LTO chief Markus Lacanilao. 

Samantala, ipatatawag din ng LTO para pagpaliwanagin ang bus driver at driver ng isang pribadong sasakyan na nasangkot sa road rage incident sa Cavite.

Sa ipinadalang subpoena sa dalawa, dapat silang humarap sa LTO sa January 14.— FRJ GMA Integrated News