Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla noong Martes na gagawin ng pamahalaan ng Pilipinas ang lahat ng posibleng paraan upang maibalik sa bansa ang dating kongresista na si Zaldy Co, na nadawit sa mga anomalya kaugnay ng flood control projects.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Remulla na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pag-aralan ang iba pang paraan upang maibalik sa Pilipinas ang dating mambabatas.
Paglilinaw ito sa nauna niyang pahayag tungkol sa extradition treaty sa Portugal para sa pag-aresto kay Co.
'Extradition is almost impossible kasi wala nga tayong treaty but there are other avenues we are studying para magawa siya,'' ani Remulla.
''We will look for all possible means to repatriate Zaldy Co to the Philippines... not extradite, repatriate,'' dagdag niya.
Pinaniniwalaang nasa Portugal si Co sa gitna ng patuloy na pag-aresto sa mga indibiduwal na kinasuhan tungkol sa gulo sa flood control sa Oriental Mindoro.
Pinaghihinalaang may Portuguese passport si Co, na “acquired so many years ago.”
Noong nakaraang taon, inanunsyo ni Marcos na naglabas na ng mga warrant of arrest laban kina Co at 15 iba pa, kabilang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga direktor ng Sunwest Corp., kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.
Ito ay matapos magsampa ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at iba pa noong Nobyembre 18.
Ang mga kaso ay kaugnay ng maanomalya umanong P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Hindi pa nakababalik ng bansa si Co sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa mga budget insertion at flood control projects. Umalis siya ng Pilipinas dahil sa mga medikal na dahilan.
Itinanggi naman ng dating Ako Bicol party-list representative na sangkot siya sa mga gawaing may katiwalian.
Nauna nang idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang isang "fugitive from justice" at iniutos ang pagkansela ng kaniyang Philippine passport ng Department of Foreign Affairs. —Jamil Santos/ VAL/FRJ GMA Integrated News

